Showing posts with label Kulturang Pinoy. Show all posts
Showing posts with label Kulturang Pinoy. Show all posts

Sunday, January 8, 2012

Kulturang Pinoy: Nuestro Padre Jesus Nazareno, walang kamatayang Debosyon


Inaalay ko ang akdang ito sa Mahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Bukas, ika-9 ng Enero, muli na namang tutungo ang masang Kristiyanong Pilipino sa Quiapo upang ipagdiwang ang banal na kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno.  Taun-taon, kahit na may napapabalitaang may mga naaksidente at namatay , di pa rin nito napipigilan  ang matinding debosyon ng masa sa Mahal na Senor. 


Ang Mahal na Poon ng Nuestro Padre Hesus Nazareno
  Ang tradisyong ito ay nagmula pa noong ika-17 siglo.  Ang imahen ng Poon ng Nazreno ay nililok ng isang di kilalang Mexicano at ito ay dinala sa Pilipinas lulan ng mga galleon. Ayon sa kasaysayan, nagkaroon ng sunog sa galleon kung saan ito nakalulan at bahagyang nasunog ang imahen kaya’t ang mukha at kamay nito ay naging itim.  Ang imaheng ito ay unang nanahan sa simbahan ng mga Recoletos sa Bagumbayan bago ito nailipat sa simbahan ng Recoletos ni San Nicolas de Tolentino sa loob ng Intramuros. Noong ika-18 siglo, batay sa utos ng dating Arsobispo ng Maynila na si Basilio Justa, ang imahen ay inilipat sa kasalukuyang dambana nito sa lokal ng Quiapo sa ilalim ng patnubay ni San Juan Bautista. Mula noon, narinig na natin ang iba’t ibang pagpapatibay ng mga milagro at biyayang ibinigay bunga ng debosyon ng mga mananampalataya sa Mahal na Poon ng Itim na Nazareno.

Ako mismo ay isang buhay na testigo sa mga biyayang ito. Noong ako ay sanggol pa lamang ako daw ay nagkaroon ng depekto sa aking ulo at utak na ang tanging solusyon daw ay operasyon .  At ang operasyong ito ay maaaring makapagdulot ng matagalang komplikasyon na maaaring humantong sa aking pagiging imbalido. Ngunit dahil sa pagdarasal ng aking ina sa Mahal na poong Nazareno, nang ako ay masuri mula ng mga espesyalista, di na daw ako kailangang sumailalaim sa maselang operasyon na iyon. Mula noon ay naging deboto na ang aking ina sa Quiapo at kinalakihan ko na rin ang pagpunta sa Quiapo upang magdasal at magpasalamat.
Walang kamatayng debosyon
Gaya ng nabanggit ko, taun-taon ay may mga napapabalitaan tayong mg a namamatay at nasasaktan sa gitna ng pakikiisa sa prusisiyon ng Mahal na Poon. Ngunit di pa rin natitinag ang pananamplataya ng taon sa poon.  Para sa hindi Katolliko at sa mga skeptiko na rin, madali nilang binabatikos ang pagsamba ng tao sa isang rebulto na gawa lamang ng tao mula sa kahoy.  Iginagalang naming ang kanilang pananaw at paniniwala. Subalit kailangan din nating isipin na iba’t iba ang antas ng pananampalataya ng tao.  Totoo, may mga tao na sumasamba talaga sa rebulto at naniniwalang ang simpleng pagdarasal at pagpunas sa kanilang imahen ang magbibigay sa kabnila ng kanilang hinihiling. Ito ang mga taong kelangan magising sa katotohanan at hanapin ang tunay na kabuluhan ng kanilang debosyon.  Pero sa kabilang banda, may mga mananamplataya na tulad namin na nagdarasal hindi lamang sa imahen ngunit sa tunay na kabanalan na ikinakatawan ng mga ito.  Ang imahen ay simbolo lamang ng mas mataas na kapangyarihan na aming dinadasalan  at ang pagkilala namin sa imahen ay bilang paggalang sa kanilang ikinakatawan.  Maihahalintulad ko ang pagdarasal sa mga imahen sa pagbisita sa puntod ng isang mahal sa buhay na pinupuntahan natin upang magbigay galang at sariwain ang alaala. At ang pagprurusisyon dito ay para ipaalala lamang sa tao ang kadakilaan ng kinakatawan nito. 
Pagbisita ng Mahal na Poon sa Marikina
Samakatuwid, ano’t ano pa man, hindi pa rin natin dapat usisain ang tunay na layunin ng mga taong nakikiisa sa prusisyon ng Nazareno.  Sa mga nakalipas na taon, masasabi nating hindi na maganda ang imahen ng Quiapo. Ito ay napapabalitaang nagiging pugad ng mga snatcher, holdaper, mga kawatan, manunuba, at mga “pirata”ng DVD.  Sadyang mas delikado ngang pumunta ng Quiapo sa ngayon hindi tulad dati.  Ngunit, patuloy pa rin itong sinasadya ng masang Kristyanong Piilpino.  Dahil sa gitna ng kaguluhang ito, ay isang dambana, na sisikaping sadyain ng mga namimintuho upang magdasal, humiling, pagpasalamat at magbigay pugay sa Mahal na poon ng Nuestro Padre Hesus Nazareno, na pinaniwalaan nilang magdudulot sa kanila ng biyaya, ginhawa at katiwaasayan sa buhay, ano man ang kanilang antas sa lipunan.   Ito ang mas mahalaga, ang PANANAMPALATAYA.
VIVA Nuestro Padre Jesus Nazareno!

Sunday, January 16, 2011

Kulturang Pinoy: Santo Nino

Kaninang umaga ay na-"trap" ako sa kahabaan ng Rosario Ave. sa lungsod ng Pasig. Pangkaraniwan ay mag-iinit ang ulo ko dahil malamang dahil ito sa trapik o di kaya may nasairaan o may nagbangaan lalo na't mahuhuli na ako sa pagpasok sa ospital. Ngunit matapos ko usisain ang puno't dulo nito, ang pagkainis ko ay biglang napalitan ng pagkagalak, sapagkat may mahabang prusisyon pala ng mga Santo Nino sa daang ito. Andaming tao bitbit-bitbit ang kani-kanilang mga imahen ng Santo Nino. Doon ko lamang napagtanto na pista nga pala ng mahal na poon ng Santo Nino.


Santo Nino de Cebu
Ang imahen ng Santo Nino ay marahil pinakaunang imaheng Katolika dito sa Pilipinas. Ayon sa kasaysayan, ang mananakop na si Ferdinand Magellan ay may dala nito nung sya ay dumating dito noong 1521 nang ipinalaganap nila ang Kristyanismo dito sa Pilipinas. Ang imaheng ito ay iniregalo niya kay Reyna Juana ng Mactan nang ang huli ay binyagan bilang Kristyano. Noong 1565, sinadyang sunugin ng mga Kastila ang malaking bahagi ng Cebu. Ngunit may isang sundalo na himalang nakakita sa imahen ng Santo Nino na naligtas mula sa apoy. Ang imaheng iyon ay kasalukuyang nakalagak sa Katedral ng Cebu. Ito ay dinadayo ng mga deboto at tuwing Enero ay idinadaos ang makulay na Sinulog bilang pagpupugay sa Poong Santo Nino.



Ang debosyon at pagkilala sa Santo Nino ay laganap sa Pilipinas. Bawat tahanan, mga establisimyento at maging sa sasakyan ng mga Katolikong Pilipino ay may Santo Nino sa altar. Marahil ang pagiging kabataan ng hitsura nito ay lalong nagpapalapit sa kanya sa puso ng mga Pilipino. At bagaman mukhang bata at inosente, hindi nalilimutan ng mga deboto ang kapangyarihan at pagbibigay biyaya ng mahal na poon.


  
Santo Nino Sapatero
Ang kanyang kapistahan ay ipinagdiriwang sa maraming bahagi ng Pilipinas tulad ng Cebu, sa isla ng Panay, sa Pandacan at sa Tondo. Ngunit di rin pahuhuli ang "Adik sa Santo Capital of the Philippines" na Marikina City. Bagaman hindi kasing-bongga, kasing-kulay at kasing-sagana ng pagdiriwang ng mga  nabanggit, taun-taon ay ipinagdiriwang din sa iba't ibang parokya at kapilya dito sa Marikina ang pista ng Poong Santo Nino. Dito sa aming barangay na Calumpang ay nagkakaroon pa noong mga nakaraang panahon ng Ati-atihan at pagpaaagaw ng mga kendi at mga kukutin sa daan. Naaalala ko ang mga panahon na matino pa ang pag-iisip ng aking lola. Madalas syang magpa-aagaw ng mga kendi mula sa balkonahe ng kanyang bahay. Tapos dun din kami magtatago dahil takot kami sa uling ng mga nag aAti-atihan.


Ngayong taong ito, walang Ati-atihan ngunit meron pa ring pagtatambol, pagpapaagaw ng kendi (at oo, pati pansit na naka-plastic pinapaagaw) at prusisyon ng kay dami-daming imahen ng Santo Nino. Maliit man o malaki, nakadamit magara man o hindi, de-gulong man o wala, may naka-damit prinsipe, may nakapanglaboy, may naka-Spiderman, may naka-pambahay, may nakapang-karnabal....Andami nila. Napa-"anak ng Tinapay" nga ang pari nang makita ang iba't iba at maraming uri ng Santo Nino. Hindi nawala ang pagkilala ng aming mga ka-baranggay kay Santo Nino. Isa ito sa pinakamasayang prusisyon na naganap dito sa amin sa nakalipas na mga taon. At kahit na mas inaabangan ko ang prusisyong pang-Mahal na Araw, ako ay naniniwala na ang tradisyong ito ay di dapat mawala sa mga susunod na panahon.

Ang mga Deboto



Saturday, January 8, 2011

Kulturang Pinoy: Nuestro Padre Jesus Nazareno ng Quiapo

Bukas ay inaasahan natin na dadagsain ng maraming Pilipino, mayaman man o mahirap, may katungkulan man o wala, ang Basilica Minor ng Nazareno ng Quiapo sa Lungsod ng Maynila upang muling ipakita ang kanilang taimtim na debosyon sa imahen ng Itim na Nazareno (Black Nazarene). Maaaring ang pakikilahok sa taunang tradisyong ito ay lubhang mapanganib para sa ilan ngunit tila yata hindi sila mapipigilan sa kanilang panata sa Poon ng Itim na Nazareno. Tunay ngang ito ay isa sa mga pinakamalaki at pinakaaabangang kapistahan dito sa Pilipinas
January 9: Kapistahan ng Poon ng Itim na Nazareno ng Quiapo

Pagdagsa ng mga Deboto

Ang imahen ng Itim na Nazareno ay nagmula sa bansang Mexico at dumating sa Pilipinas noong ika-17 siglo. Ang pagkakaitim nito ay bunga nang pagkasunog nito habang ito ay ibinabiyahe sa isang barko ng mga Kastila. Sa kasalukuyan ito ay nakalagak sa Basilica Minor ng Jesus Nazareno. Ang naturang basilica ay orihinal na nakapangalan kay San Juan Bautista ngunit dahil sa mga himala at sa debosyon ng tao sa Poong Nazareno, ito ay naipangalan at iniaalay na sa Kanya. Ang taunang prusisyon na taun-taong ginagawa sa mga hayag na lanangan ng distrito ng Quiapo sa Maynila ay nilalahokan ng milyung-milyong tao bilang pagpugay sa Poon. Ngunit dapat ding banggitin na ang ipinuprusisyon na imahen ay di talaga ang orihinal na imahen na mula sa Mexico. Nakagawian na ang katawan lamang ng orihinal at ang ulo ng isa mga replika ang inilalalabas tuwing prusisyon. Ang tanging pagkakataon na inilabas ang ulo at katawan ng orihinal na imaehn ay noong 2007, nang ipagdiwang ang ika-400 na taon ng imahen. Ngunit ang katotohanang ito ay hindi hadlang sa kanilang debosyon.

Panata sa Poon

Ang debosyon ng mga Pilipino sa Mahal na Poon ng Itim na Nazareno ay marahil bunga ng pakikiisa ng masang Pilipino sa paghihirap ni Hesukristo. Ang kahirapan at mga pagsubok na nadarama nila sa buhay ay naihahahlintulad nila sa paghihirap na dinanas ni Kristo nang buhatin niya ang Krus ng kaligtasan papuntang Kalbaryo kung saan tinubos niya ang sanlibutan. Ang pakikilahok sa mapanganib na prusisyong ito ay maaari din bilang pasasalamat at pagpupugay sa mga himalang naidulot ng Poon ng Itim na Nazareno.

Nuestro Padre Jesus Nazareno

Ako at ang aking ina ay may malaking pagtanaw din sa Poong Nazareno dahil noong ako ay sanggol pa ay nagkaroon ng anomalya sa aking bumbunan at muntikan nang operahin ang aking ulo na maaaring nakapagdulot sa akin ng pangmatagalan at permanenteng komplikasyon sa utak at pag-iisip. Ngunit dahil sa pagdarasal ng aking ina sa Poong Nazareno, napagtanto ng aking mga doktor na himala na naging maayos naman ang aking kondisyon at di na nangailangan pa ng operasyon. Mula noon, ang aking ina ay naging deboto ng Poong Nazareno. Nakagisnan ko na rin na sumama sa aking ina sa pagsisimba sa Quiapo tuwing Biyernes ng umaga noong ako ay bata pa. Nagbago man ang panahon at naging abala man kami sa araw-araw na buhay, na naging hadlang sa amin upang ituloy ang aming panata, hindi namin ni kailanman nakakalimutan ang himalang naidulot sa akin ng Poong Nazareno. Hindi man kami nakakapunta na sa Quiapo ngayon at hindi man kami lumalahok sa prusisyon, kami ay taimtim pa ring nagdarasal sa ngalan ng Poong Nazareno.

Sana ay makamit din ng ibang deboto ang himalang naidulot sa amin ng Mahal na Poon Nazareno. Wala namang imposible basta't may panananalig at pananampalataya.
Ang Pagbisita sa Marikina  ng isa sa mga replika mula sa Quiapo noong Pebrero 2010
Nuestro Padre Jesus Nazareno, Sinasamba ka namin, Pinipintuho ka namin, Aral mo ang aming Buhay at Kaligtasan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno, Iligtas mo kami sa kasalanan. Ang Krus mong kinamatayan ay sagisag ng aming Kailigtasan
Nuestro Padre Jesus Nazareno, Dinarangal ka Namin, Niluluwalhati ka Namin

Sunday, December 19, 2010

Kulturang Pinoy: Simbang Gabi o Simbang "Tabi"

Tuwing sasapit ang panahon ng kapaskuhan ay maraming tradisyon ang isinasabuhay ng mga Pilipino.  Maliban sa mga nagagandahan at makukulay na mga parol at belen sa kapiligiran, ang mga pagkain tulad ng Puto Bumbong at Bibingka at pakikipagsiksikan sa mga mall, Divisoria at Greenhills para bumili ng regalo, may mas matimbang na gawain na hinding-hindi mawawala sa Paskong Pilipino: ito ay ang Simbang Gabi o ang Misa de Gallo.

Ang tradisyong ito ay nagmula pa sa mga sumakop sa atin na mga Kastila. Ang terminolohiyang  "Misa de Gallo" ay nangangahulugang "Misa ng Tandang" sapagkat nung unang panahon at maging hanggang ngayon, ang misang ito ay idinadaos sa madaling araw.  Sa kasalukuyang panahon, sa ibang parokya, ito ay idinadaos sa gabi kaya ito ay nakagawian nag tawagin na Simbang Gabi.  Ang misang ito ay nagsisilbing parang nobena at ipinagpapatuloy siyam na araw bago dumating ang kapaskuhan.

Nung ako ay bata pa ay madalas akong dumalo ng simbang gabi ngunit dahil sa mga pagbabago sa aking pamumuhay ay di ko na nagawang ulitn ito.  May panahon din na nawalan ako ng ganang mag-simbang gabi dahil hindi na kanais-nais ang aking nasisilayan tuwing dumadalo ako ito. Naisip ko tuloy na hindi kaya't nawalan na ng saysay ang tunay na kahulugan ng tradisyong ito. 

 Kahapon ng umaga, ako ay gumising ng maaga upang magsimba ng kinagawian ko nang alas-singko ng umaga tuwing Linggo sa Dambana ng Ina ng Walang Mag-Ampon dito sa Marikina. Ito ang pinipili kong oras ng misa dahil ito ang pinakatahimik, pinakataimtim, mas kaunti ang tao at siyempre dahil mas malamig pa sa mga oras na iyon.  Hindi ko inaasahan na abutan ang dulong bahagi ng Misa de Gallo na nagsimula ng alas-kuwatro ng madaling araw.  Tunay na makulay at maningning ang simbahan, maraming nagsisimba at marami rin ang nagtitinda.  Hindi ganito ang tanawin sa hamak na araw ng Linggo sa simbahang ito.  Ngunit sa kabila ng magandang tanawin na aking nakita ay muling tumambad sa akin ang mga dahilan kung bakit hindi na ako dumadalo sa Simbang Gabi.

Larawan mula sa Facebook site ng Our Lady of the Abandoned Marikina
Sa paligid ng simbahan ay marami ngang nagtitinda ng pagkain tulad ng puto bumbong at bibingka. Wala naman masama dito dahil bahagi na ito ng Paskong Pilipino.  Ngunit hindi ko masikmura na hindi pa tapos ang misa ay abalng-abala na ang ilang kabataan na lumalamon sa tabi at maiingay pa sila.  Pagpasok ng simbahan, tunay ngang maraming tao, mas marami ito kaysa sa hamak na araw ng Linggo, ngunit nakakadismaya na wari ba'y hindi pagsisimba ang ipinunta nila dun at mistulang pag-gimik ang kanilang pakay.  Grupo-grupong kabataan na hindi nakikinig sa misa at walang ginawa kundi maghuntahan, magharutan at magtawanan.  Ang sarap pagsasawayin ngunit masayado silang marami.  At di rin pahuhuli ang ibang magkasintahan na para bang nagda-date sa simbahan at mas masama pa ay di nakapagpigil na nagsisilampungan, nagliligawan, at naglalandian kahit sa piling ng madla. 

Pansinin din ang kanilang mga kasuotan. Oo nga't maginaw at naka-pangginaw ang iba.  Ang hindi o maintindihan, kung talagang naka-pangginaw sila dahil sa ginaw eh bakit sila naka-shorts at tsinelas lang?  Ang iba pa ay nakapamporma na animo'y pupuunta sa mall, sa Eastwood, sa Morato o sa Global City.  Meron din akong nakikitang mga sumbrero sa loob ng simbahan. Marami silang mga pormang Jejemon. May inilabas na panuntunan ang simahan tungkol sa angkop na pagbibihis sa loob ng simbahan, at ang mga ito ay di umaayon sa nasabing panuntunan.

At isa pa pala, bakit ka dadalo sa Simbang Gabi kung tutulugan mo lang ito? Hindi ba't kasama sa sakripisyo ang paggising sa umaga at pananatiling gising sa misa.  Makikita mo ito sa bata man o sa mga mas nakakatanda.  Hindi kaya't sila'y napipilitan lamang o di kaya'y mga nagpapakitang-tao lamang. Hindi ko na natiis ang aking mga nakita, napailing-iling at umuwi na lamang ako.  Sabagay, naiurong na rin naman ang nakagawian kong alas-singko na misa na dapat ay sisimbahan ko at alas-sais y medya na ang sususnod na misa.

Hindi na ulit ako  mangangahas na dumalo ng Simbang Gabi.  Wala pa rin nagbago sa kapaligiran. Bagaman ang aking layunin ay pagsisimba at maaari ko namang huwag nang pansinin ang mga ito, nakakadismaya lang kasi talagang nakaka-aagaw pansin ang mga di kanais-nais na tanawin na ito.  Sa halip na makapag-simba ay baka makagawa pa ako ng sala sa tindi ng pagkainis ko sa mga ito.  Doon na lang ako kung saan, ang aking pagsisimba ay talagang magiging mataimtim at mas maitutuon ko ang aking atensyon sa Diyos.

Sana ay di tuluyang mawala ang tunay na kahulugan ng Simbang Gabi sa kabataang Pilipino at di ito maging isang "Simbang Tabi" (Simba sa Tabi ng kasintahan, Simbang Kain sa Tabi, Simbang Tabi-tabing Maghaharutan)