Tuwing sasapit ang panahon ng kapaskuhan ay maraming tradisyon ang isinasabuhay ng mga Pilipino. Maliban sa mga nagagandahan at makukulay na mga parol at belen sa kapiligiran, ang mga pagkain tulad ng Puto Bumbong at Bibingka at pakikipagsiksikan sa mga mall, Divisoria at Greenhills para bumili ng regalo, may mas matimbang na gawain na hinding-hindi mawawala sa Paskong Pilipino: ito ay ang Simbang Gabi o ang Misa de Gallo.
Ang tradisyong ito ay nagmula pa sa mga sumakop sa atin na mga Kastila. Ang terminolohiyang "Misa de Gallo" ay nangangahulugang "Misa ng Tandang" sapagkat nung unang panahon at maging hanggang ngayon, ang misang ito ay idinadaos sa madaling araw. Sa kasalukuyang panahon, sa ibang parokya, ito ay idinadaos sa gabi kaya ito ay nakagawian nag tawagin na Simbang Gabi. Ang misang ito ay nagsisilbing parang nobena at ipinagpapatuloy siyam na araw bago dumating ang kapaskuhan.
Nung ako ay bata pa ay madalas akong dumalo ng simbang gabi ngunit dahil sa mga pagbabago sa aking pamumuhay ay di ko na nagawang ulitn ito. May panahon din na nawalan ako ng ganang mag-simbang gabi dahil hindi na kanais-nais ang aking nasisilayan tuwing dumadalo ako ito. Naisip ko tuloy na hindi kaya't nawalan na ng saysay ang tunay na kahulugan ng tradisyong ito.
Kahapon ng umaga, ako ay gumising ng maaga upang magsimba ng kinagawian ko nang alas-singko ng umaga tuwing Linggo sa Dambana ng Ina ng Walang Mag-Ampon dito sa Marikina. Ito ang pinipili kong oras ng misa dahil ito ang pinakatahimik, pinakataimtim, mas kaunti ang tao at siyempre dahil mas malamig pa sa mga oras na iyon. Hindi ko inaasahan na abutan ang dulong bahagi ng Misa de Gallo na nagsimula ng alas-kuwatro ng madaling araw. Tunay na makulay at maningning ang simbahan, maraming nagsisimba at marami rin ang nagtitinda. Hindi ganito ang tanawin sa hamak na araw ng Linggo sa simbahang ito. Ngunit sa kabila ng magandang tanawin na aking nakita ay muling tumambad sa akin ang mga dahilan kung bakit hindi na ako dumadalo sa Simbang Gabi.
Sa paligid ng simbahan ay marami ngang nagtitinda ng pagkain tulad ng puto bumbong at bibingka. Wala naman masama dito dahil bahagi na ito ng Paskong Pilipino. Ngunit hindi ko masikmura na hindi pa tapos ang misa ay abalng-abala na ang ilang kabataan na lumalamon sa tabi at maiingay pa sila. Pagpasok ng simbahan, tunay ngang maraming tao, mas marami ito kaysa sa hamak na araw ng Linggo, ngunit nakakadismaya na wari ba'y hindi pagsisimba ang ipinunta nila dun at mistulang pag-gimik ang kanilang pakay. Grupo-grupong kabataan na hindi nakikinig sa misa at walang ginawa kundi maghuntahan, magharutan at magtawanan. Ang sarap pagsasawayin ngunit masayado silang marami. At di rin pahuhuli ang ibang magkasintahan na para bang nagda-date sa simbahan at mas masama pa ay di nakapagpigil na nagsisilampungan, nagliligawan, at naglalandian kahit sa piling ng madla.
Pansinin din ang kanilang mga kasuotan. Oo nga't maginaw at naka-pangginaw ang iba. Ang hindi o maintindihan, kung talagang naka-pangginaw sila dahil sa ginaw eh bakit sila naka-shorts at tsinelas lang? Ang iba pa ay nakapamporma na animo'y pupuunta sa mall, sa Eastwood, sa Morato o sa Global City. Meron din akong nakikitang mga sumbrero sa loob ng simbahan. Marami silang mga pormang Jejemon. May inilabas na panuntunan ang simahan tungkol sa angkop na pagbibihis sa loob ng simbahan, at ang mga ito ay di umaayon sa nasabing panuntunan.
At isa pa pala, bakit ka dadalo sa Simbang Gabi kung tutulugan mo lang ito? Hindi ba't kasama sa sakripisyo ang paggising sa umaga at pananatiling gising sa misa. Makikita mo ito sa bata man o sa mga mas nakakatanda. Hindi kaya't sila'y napipilitan lamang o di kaya'y mga nagpapakitang-tao lamang. Hindi ko na natiis ang aking mga nakita, napailing-iling at umuwi na lamang ako. Sabagay, naiurong na rin naman ang nakagawian kong alas-singko na misa na dapat ay sisimbahan ko at alas-sais y medya na ang sususnod na misa.
Hindi na ulit ako mangangahas na dumalo ng Simbang Gabi. Wala pa rin nagbago sa kapaligiran. Bagaman ang aking layunin ay pagsisimba at maaari ko namang huwag nang pansinin ang mga ito, nakakadismaya lang kasi talagang nakaka-aagaw pansin ang mga di kanais-nais na tanawin na ito. Sa halip na makapag-simba ay baka makagawa pa ako ng sala sa tindi ng pagkainis ko sa mga ito. Doon na lang ako kung saan, ang aking pagsisimba ay talagang magiging mataimtim at mas maitutuon ko ang aking atensyon sa Diyos.
Sana ay di tuluyang mawala ang tunay na kahulugan ng Simbang Gabi sa kabataang Pilipino at di ito maging isang "Simbang Tabi" (Simba sa Tabi ng kasintahan, Simbang Kain sa Tabi, Simbang Tabi-tabing Maghaharutan)
No comments:
Post a Comment