Bukas ay inaasahan natin na dadagsain ng maraming Pilipino, mayaman man o mahirap, may katungkulan man o wala, ang Basilica Minor ng Nazareno ng Quiapo sa Lungsod ng Maynila upang muling ipakita ang kanilang taimtim na debosyon sa imahen ng Itim na Nazareno (Black Nazarene). Maaaring ang pakikilahok sa taunang tradisyong ito ay lubhang mapanganib para sa ilan ngunit tila yata hindi sila mapipigilan sa kanilang panata sa Poon ng Itim na Nazareno. Tunay ngang ito ay isa sa mga pinakamalaki at pinakaaabangang kapistahan dito sa Pilipinas
January 9: Kapistahan ng Poon ng Itim na Nazareno ng Quiapo |
Pagdagsa ng mga Deboto |
Ang imahen ng Itim na Nazareno ay nagmula sa bansang Mexico at dumating sa Pilipinas noong ika-17 siglo. Ang pagkakaitim nito ay bunga nang pagkasunog nito habang ito ay ibinabiyahe sa isang barko ng mga Kastila. Sa kasalukuyan ito ay nakalagak sa Basilica Minor ng Jesus Nazareno. Ang naturang basilica ay orihinal na nakapangalan kay San Juan Bautista ngunit dahil sa mga himala at sa debosyon ng tao sa Poong Nazareno, ito ay naipangalan at iniaalay na sa Kanya. Ang taunang prusisyon na taun-taong ginagawa sa mga hayag na lanangan ng distrito ng Quiapo sa Maynila ay nilalahokan ng milyung-milyong tao bilang pagpugay sa Poon. Ngunit dapat ding banggitin na ang ipinuprusisyon na imahen ay di talaga ang orihinal na imahen na mula sa Mexico. Nakagawian na ang katawan lamang ng orihinal at ang ulo ng isa mga replika ang inilalalabas tuwing prusisyon. Ang tanging pagkakataon na inilabas ang ulo at katawan ng orihinal na imaehn ay noong 2007, nang ipagdiwang ang ika-400 na taon ng imahen. Ngunit ang katotohanang ito ay hindi hadlang sa kanilang debosyon.
Panata sa Poon |
Ang debosyon ng mga Pilipino sa Mahal na Poon ng Itim na Nazareno ay marahil bunga ng pakikiisa ng masang Pilipino sa paghihirap ni Hesukristo. Ang kahirapan at mga pagsubok na nadarama nila sa buhay ay naihahahlintulad nila sa paghihirap na dinanas ni Kristo nang buhatin niya ang Krus ng kaligtasan papuntang Kalbaryo kung saan tinubos niya ang sanlibutan. Ang pakikilahok sa mapanganib na prusisyong ito ay maaari din bilang pasasalamat at pagpupugay sa mga himalang naidulot ng Poon ng Itim na Nazareno.
Nuestro Padre Jesus Nazareno |
Ako at ang aking ina ay may malaking pagtanaw din sa Poong Nazareno dahil noong ako ay sanggol pa ay nagkaroon ng anomalya sa aking bumbunan at muntikan nang operahin ang aking ulo na maaaring nakapagdulot sa akin ng pangmatagalan at permanenteng komplikasyon sa utak at pag-iisip. Ngunit dahil sa pagdarasal ng aking ina sa Poong Nazareno, napagtanto ng aking mga doktor na himala na naging maayos naman ang aking kondisyon at di na nangailangan pa ng operasyon. Mula noon, ang aking ina ay naging deboto ng Poong Nazareno. Nakagisnan ko na rin na sumama sa aking ina sa pagsisimba sa Quiapo tuwing Biyernes ng umaga noong ako ay bata pa. Nagbago man ang panahon at naging abala man kami sa araw-araw na buhay, na naging hadlang sa amin upang ituloy ang aming panata, hindi namin ni kailanman nakakalimutan ang himalang naidulot sa akin ng Poong Nazareno. Hindi man kami nakakapunta na sa Quiapo ngayon at hindi man kami lumalahok sa prusisyon, kami ay taimtim pa ring nagdarasal sa ngalan ng Poong Nazareno.
Sana ay makamit din ng ibang deboto ang himalang naidulot sa amin ng Mahal na Poon Nazareno. Wala namang imposible basta't may panananalig at pananampalataya.
Ang Pagbisita sa Marikina ng isa sa mga replika mula sa Quiapo noong Pebrero 2010 |
Nuestro Padre Jesus Nazareno, Sinasamba ka namin, Pinipintuho ka namin, Aral mo ang aming Buhay at Kaligtasan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno, Iligtas mo kami sa kasalanan. Ang Krus mong kinamatayan ay sagisag ng aming Kailigtasan
Nuestro Padre Jesus Nazareno, Dinarangal ka Namin, Niluluwalhati ka Namin
Sinasabing ang pagigig itim ng Nazareno ay dahil ito ay gawa sa kahoy na nahahawig sa kamagong.
ReplyDelete