Kaninang umaga ay na-"trap" ako sa kahabaan ng Rosario Ave. sa lungsod ng Pasig. Pangkaraniwan ay mag-iinit ang ulo ko dahil malamang dahil ito sa trapik o di kaya may nasairaan o may nagbangaan lalo na't mahuhuli na ako sa pagpasok sa ospital. Ngunit matapos ko usisain ang puno't dulo nito, ang pagkainis ko ay biglang napalitan ng pagkagalak, sapagkat may mahabang prusisyon pala ng mga Santo Nino sa daang ito. Andaming tao bitbit-bitbit ang kani-kanilang mga imahen ng Santo Nino. Doon ko lamang napagtanto na pista nga pala ng mahal na poon ng Santo Nino.
Santo Nino de Cebu |
Ang debosyon at pagkilala sa Santo Nino ay laganap sa Pilipinas. Bawat tahanan, mga establisimyento at maging sa sasakyan ng mga Katolikong Pilipino ay may Santo Nino sa altar. Marahil ang pagiging kabataan ng hitsura nito ay lalong nagpapalapit sa kanya sa puso ng mga Pilipino. At bagaman mukhang bata at inosente, hindi nalilimutan ng mga deboto ang kapangyarihan at pagbibigay biyaya ng mahal na poon.
Santo Nino Sapatero |
Ngayong taong ito, walang Ati-atihan ngunit meron pa ring pagtatambol, pagpapaagaw ng kendi (at oo, pati pansit na naka-plastic pinapaagaw) at prusisyon ng kay dami-daming imahen ng Santo Nino. Maliit man o malaki, nakadamit magara man o hindi, de-gulong man o wala, may naka-damit prinsipe, may nakapanglaboy, may naka-Spiderman, may naka-pambahay, may nakapang-karnabal....Andami nila. Napa-"anak ng Tinapay" nga ang pari nang makita ang iba't iba at maraming uri ng Santo Nino. Hindi nawala ang pagkilala ng aming mga ka-baranggay kay Santo Nino. Isa ito sa pinakamasayang prusisyon na naganap dito sa amin sa nakalipas na mga taon. At kahit na mas inaabangan ko ang prusisyong pang-Mahal na Araw, ako ay naniniwala na ang tradisyong ito ay di dapat mawala sa mga susunod na panahon.
Ang mga Deboto |
No comments:
Post a Comment