Sunday, January 8, 2012

Kulturang Pinoy: Nuestro Padre Jesus Nazareno, walang kamatayang Debosyon


Inaalay ko ang akdang ito sa Mahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Bukas, ika-9 ng Enero, muli na namang tutungo ang masang Kristiyanong Pilipino sa Quiapo upang ipagdiwang ang banal na kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno.  Taun-taon, kahit na may napapabalitaang may mga naaksidente at namatay , di pa rin nito napipigilan  ang matinding debosyon ng masa sa Mahal na Senor. 


Ang Mahal na Poon ng Nuestro Padre Hesus Nazareno
  Ang tradisyong ito ay nagmula pa noong ika-17 siglo.  Ang imahen ng Poon ng Nazreno ay nililok ng isang di kilalang Mexicano at ito ay dinala sa Pilipinas lulan ng mga galleon. Ayon sa kasaysayan, nagkaroon ng sunog sa galleon kung saan ito nakalulan at bahagyang nasunog ang imahen kaya’t ang mukha at kamay nito ay naging itim.  Ang imaheng ito ay unang nanahan sa simbahan ng mga Recoletos sa Bagumbayan bago ito nailipat sa simbahan ng Recoletos ni San Nicolas de Tolentino sa loob ng Intramuros. Noong ika-18 siglo, batay sa utos ng dating Arsobispo ng Maynila na si Basilio Justa, ang imahen ay inilipat sa kasalukuyang dambana nito sa lokal ng Quiapo sa ilalim ng patnubay ni San Juan Bautista. Mula noon, narinig na natin ang iba’t ibang pagpapatibay ng mga milagro at biyayang ibinigay bunga ng debosyon ng mga mananampalataya sa Mahal na Poon ng Itim na Nazareno.

Ako mismo ay isang buhay na testigo sa mga biyayang ito. Noong ako ay sanggol pa lamang ako daw ay nagkaroon ng depekto sa aking ulo at utak na ang tanging solusyon daw ay operasyon .  At ang operasyong ito ay maaaring makapagdulot ng matagalang komplikasyon na maaaring humantong sa aking pagiging imbalido. Ngunit dahil sa pagdarasal ng aking ina sa Mahal na poong Nazareno, nang ako ay masuri mula ng mga espesyalista, di na daw ako kailangang sumailalaim sa maselang operasyon na iyon. Mula noon ay naging deboto na ang aking ina sa Quiapo at kinalakihan ko na rin ang pagpunta sa Quiapo upang magdasal at magpasalamat.
Walang kamatayng debosyon
Gaya ng nabanggit ko, taun-taon ay may mga napapabalitaan tayong mg a namamatay at nasasaktan sa gitna ng pakikiisa sa prusisiyon ng Mahal na Poon. Ngunit di pa rin natitinag ang pananamplataya ng taon sa poon.  Para sa hindi Katolliko at sa mga skeptiko na rin, madali nilang binabatikos ang pagsamba ng tao sa isang rebulto na gawa lamang ng tao mula sa kahoy.  Iginagalang naming ang kanilang pananaw at paniniwala. Subalit kailangan din nating isipin na iba’t iba ang antas ng pananampalataya ng tao.  Totoo, may mga tao na sumasamba talaga sa rebulto at naniniwalang ang simpleng pagdarasal at pagpunas sa kanilang imahen ang magbibigay sa kabnila ng kanilang hinihiling. Ito ang mga taong kelangan magising sa katotohanan at hanapin ang tunay na kabuluhan ng kanilang debosyon.  Pero sa kabilang banda, may mga mananamplataya na tulad namin na nagdarasal hindi lamang sa imahen ngunit sa tunay na kabanalan na ikinakatawan ng mga ito.  Ang imahen ay simbolo lamang ng mas mataas na kapangyarihan na aming dinadasalan  at ang pagkilala namin sa imahen ay bilang paggalang sa kanilang ikinakatawan.  Maihahalintulad ko ang pagdarasal sa mga imahen sa pagbisita sa puntod ng isang mahal sa buhay na pinupuntahan natin upang magbigay galang at sariwain ang alaala. At ang pagprurusisyon dito ay para ipaalala lamang sa tao ang kadakilaan ng kinakatawan nito. 
Pagbisita ng Mahal na Poon sa Marikina
Samakatuwid, ano’t ano pa man, hindi pa rin natin dapat usisain ang tunay na layunin ng mga taong nakikiisa sa prusisyon ng Nazareno.  Sa mga nakalipas na taon, masasabi nating hindi na maganda ang imahen ng Quiapo. Ito ay napapabalitaang nagiging pugad ng mga snatcher, holdaper, mga kawatan, manunuba, at mga “pirata”ng DVD.  Sadyang mas delikado ngang pumunta ng Quiapo sa ngayon hindi tulad dati.  Ngunit, patuloy pa rin itong sinasadya ng masang Kristyanong Piilpino.  Dahil sa gitna ng kaguluhang ito, ay isang dambana, na sisikaping sadyain ng mga namimintuho upang magdasal, humiling, pagpasalamat at magbigay pugay sa Mahal na poon ng Nuestro Padre Hesus Nazareno, na pinaniwalaan nilang magdudulot sa kanila ng biyaya, ginhawa at katiwaasayan sa buhay, ano man ang kanilang antas sa lipunan.   Ito ang mas mahalaga, ang PANANAMPALATAYA.
VIVA Nuestro Padre Jesus Nazareno!

No comments:

Post a Comment